Sa pagkakataong ito, nais kong ibahagi ang aking mga saloobin gamit ang Pambansang Wika. Wala namang masama roon sapagkat ako ay Pilipino kahit saang banda pang tingnan. O sige, aaminin ko na ring nahihirapan akong mag blog sa wikang Ingles, kaya naman pipiliin ko ang pambihirang oportunidad na ito.
Napakaraming minuto, daan - daang oras, sangkaterbang araw, at ilang buwan ... Sa panahong lumipas, napakaraming bagay ang nangyari.
Kabilang na rito ang isang pagbabago na hindi ko inaasahang mangyayari sa akin ... at sa bawat myembro ng aking pamilya.
Wala akong balak na ilahad sa blogsite na ito ang pangyayaring iyon. Hindi man ito pampubliko, hindi ko rin naman masasabing ito ay lubusang pampribado. Subalit para sa diwa ng "freedom of expression," at compilation na rin ng aking mga pambihirang karanasan, ilalahad ko ang pinaka - puso ng naturang pangyayari.
Sa loob ng ilang buwan, maraming unos ang kinaharap ng aking pamilya. Masasabi kong kahit papaano'y nalampasan naman namin ang bawat unos. Ang mahirap nga lang suriin ay kung may natutunan at napulot ba kaming aral sa bawat trahedyang aming nalampasan.
Ako mismo ay nahihirapang timbangin kung ano ang tama sa mali. Kahit naman kasi ano ang gawin ko, ang mali ay magiging mali at kailanma'y hindi magiging tama.
Ngunit isang bagay ang pilit na nagpapabalik sa akin upang maunawaan ko ang pagkakaiba ng dalawang bagay na ito. At iyon ay ang pang - unawa sa Ilaw ng Aming Tahanan.
Napagtanto ko na sa bandang huli, gaano man kabigat o kagaan ang kanyang mga pinagdaanan, kung mayroon man siyang pagkukulang o kasalanan sa amin, higit kanino man, kami pa rin ang tanging makauunawa sa kanya.
Tama ang aking pinakamatalik na kaibigan sa pagsasabing, "Alette, kailangan mong intindihin ang nanay mo. Pagbali - baliktarin mo man ang mundo, sa kanya ka pa rin nagmula. Kung wala siya, wala ka, wala kayong lahat na magkakapatid."
Kahapon, nagkaroon kami ng pagkakataong magkasarilinan ng aking ina. Naalarma kasi ako sa isa niyang status. Kahit hindi ako magtanong sa kanya, alam ko kung ano ang punut - dulo sa likod ng status na iyon.
Naisip ko rin na kahit na gaano man katalino o kadiskarte ang mga kapatid ko, hindi ito sapat na dahilan upang maintindihan nila ang aming ina. Sa madaling salita, lubha pang bata ang kanilang isipan, at may mga bagay na sadyang hindi pa nila mauunawaan.
Ako, bilang panganay na anak ang siyang dapat umintindi at gumabay sa aking ina. Mahirap man ang responsibilidad na ito, wala akong karapatang magreklamo ... Sapagkat isa lamang ito sa mga paraan kung paano ako magiging daan upang mapawi ang lahat ng hirap at sakripisyo na kanyang dinanas.
Hindi sa nagmamalaki ako o pumapapel na bayani. Sa aming lahat na magkakapatid, ako ang may isip at may sapat na kakayahan upang punan ang anumang pagkukulang ng aming mga magulang. Alam ko rin naman na sa buong mundo, hindi lamang kami ang pamilyang humantong sa hiwalayan ang mga magulang, kaya wala kaming dahilan upang magmukmok sa isang sulok at ihinto ang aming buhay.
Unang beses kong nayakap ang aking ina kahapon buhat ng magsimula ang taong 2012. Pero hindi miminsan na nakita ko siyang umiiyak dahil na rin sa bigat ng kanyang mga saloobin. "Pasan niya ang buong mundo," ika nga. Wala akong magawa. Kaya kahit sa pinakamaliit na alam kong paraan, pinipilit kong siya'y tulungan.
"Tingnan mo, hindi ako iyakin. Baka maiyak ka pa diyan a."
Ito ang mga "dialogue" ko sa kanya kahapon. Nakakatawa, pero matapos kong banggitin yan, namuo rin ang luha sa aking mga mata. Dahilan upang magkatawanan kami ng nanay ko.
Mahal ko ang nanay ko. Mahal ko rin naman ang tatay ko. Subalit bilang panganay na anak, kailangan kong unawain ang parehong partido. Hindi birong pahabain ang pisi ng pasensya, lalo namang hindi biro na umunawa sa dalawang magulang.
Pero para sa mga kapatid ko, para sa tatay ko na patuloy na tumutulong upang maiparamdam sa amin ang kanyang pagiging "ama," at para sa nanay ko na handang gawin ang lahat para lang sa aming kapakanan, magiging matapang at matatag ako. Alam ko na hindi pa huli ang lahat.
Habang nabubuhay ako, hindi ako susuko na itaguyod at pagbuklurin ang aming pamilya. Sa ganitong paraan, mararamdaman kong "buo" pa rin kami, kahit na ang totoo, milya - milya na ang humahadlang sa hangarin ko. Hindi ko isusuko ang natitira kong baraha - ang tangi kong pagasa upang makamit ang bagay na batid kong inaasam naming lahat.
No comments:
Post a Comment